Hindi ko mapiga-piga
ang tulang kumakapit
sa aking utak at diwa.
Ilang buwan din natambay ang mga metapora:
lumang simbahan,
matang luhaan,
pusong iniwan,
murang sinapupunan.
Ngunit 'di pumatak ang panimula.
'di dumaloy.
'di tumuloy.
'di makuha.
'di ko mahagilap ang tula.
Kanina pa ako nakadungaw
sa may veranda,
maingay na parada
o masuyong himno ng gitara
ang ninanais kong simula.
Ni wala ito sa sipon na gumugulong sa ilong
ng batang hubad ang paa.
wala sa ngiti sa labi ng dalagang sinasapantaha.
wala sa debotong alipin ng paniniwala.
wala sa adhikaing ipinaglaban ng madla.
Nang biglang bumagsak na walang pakundangan.
walang senyas na ipinaalam.
At sinimulang magkalat,
magtae,
at sumugat.
Heto ang tintang ayaw lumabas
sa plumang ilang buwan ding
hindi naglimbag
ng aking mga saloobi't gunita
sa amarilyong papel
na akin pang binili sa Dibisorya.
Bumulwak ang itim na likido
at inanod ang mga metaporang natabunan,
sinuyod ang aking kamalayan
at tinangay ang mga agiw
sa bawat sulok ng silid-himlayan.
Dala ng agos ang mga baul
na sisidlan ko ng mga kasalana't kapatawaran.
Nahubaran ng kurtina ang bawat bintana.
Nilunod, nilikha ang nais kong tula.
Marahil ito na nga ang panimula.