Sa Lunes ng umaga,
walang baradong karburador
habang binubuno ang trapik sa Edsa.
Martes ng tanghali
nang sa karton siya'y namilipit
para kuskusin ang kalawang
sa ilalim ng lumang dyip.
Miyerkules niya pinapaliguan
ang kasuluksulukan sa baba ng mga upuang
dinadagsa ng mga estudyante't nag-oopisina.
At tuwing naglalagay ng langis sa makina
kapag Huwebes, maigi ang pagsala niya ng
mga buhangin at pinong bakal para hindi
halatang gamit na ito ng
ibang tsuper noong nakaraang Enero pa.
Sa Biernes maingat niyang isisilid sa
kahon na lata ang kanyang boundary
para pagsapit ng Sabado,
walang simangot sa mukha ni mister,
habang binibilang ang entrega ni manong
sabay ngingisi at tatawa;
bakas sa gilid ng bunganga ang bahid ng
nikotina at alak mula sa inuman kay ninong.
Tatapikin sa balikat si manong sabay
dampot sa kanyang teksas na
pangtupada kinabukasan.
Ngunit kapag Linggo at off ni Manong,
maaga akong lalabas mula sa kwarto na
'di ko tulugan para sulyapan ang
tagayan ng mga kargador at tambay
na barkada ni manong.
At bago pa man siya makalabas sa bahay,
kailangan ko siyang pagpayuhan na maghinay-hinay.
Dahil sa gitna ng kanyang
pag-abot ng entrega
sa kamay ng aking asawa kahapon,
dinig ko ang hapdi sa
sa kanyang makirot na hinahon.
At kung maaari, bumili na ng bagong asete
pangpalit sa paulit-ulit na sinasalang langis,
dahil sa likod ng pag-andar ng makina
sa aming dyip na luma,
sumasabay sa tilaok ng
teksas ng aking asawa,
ramdam ko ang pagbarado at
pagpalya ng pintig mula sa pagkaipon ng kalawang
sa kanyang pusong lamig.
Ok lang Manong.
Kahit hindi na masyadong matulin.